Nagkaloob ang Department of Agriculture–Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ng kabuuang 2,900 broiler chicks na nagkakahalaga ng ₱435,000 sa apat na samahan sa lalawigan ng Romblon upang mapalakas ang kanilang produksyon ng manok at mapalago ang mga nasimulang proyektong pangkabuhayan.
Isinagawa ang pamamahagi ng mga sisiw mula Oktubre 6 hanggang Nobyembre 13 bilang karagdagang suporta sa mga benepisyaryong samahan sa ilalim ng SAAD Program Phase 2.
Kabilang sa mga nakatanggap ang Alcantara Livestock and Poultry Producers and Marketing Association (ALPPAMA) na pinagkalooban ng 1,600 broiler chicks at Kadalag-An Farmers Association na nakatanggap ng 800 sisiw sa bayan ng Alcantara. Samantala, 200 sisiw ang ipinamahagi sa Toctoc Organic Farmers Association sa Banton, habang 300 naman ang natanggap ng Matis-Anon Farmers Association sa San Andres.
Layunin ng naturang tulong na matiyak ang pagpapatuloy ng operasyon at higit pang mapalakas ang mga negosyong nasimulan ng mga samahan sa pamamagitan ng programa.
Kabilang ang ALPPAMA at Kadalag-An Farmers Association sa mga unang samahan ng SAAD sa Romblon na nagpakita ng maayos na pamamahala sa kanilang mga proyektong pangbroiler production.
Ayon sa DA RFO MIMAROPA, sa pangunguna ni Regional Executive Director at SAAD MIMAROPA Focal Person Atty. Christopher R. Bañas, inaasahang makatutulong ang karagdagang suporta upang mapatatag ang kabuhayan ng mga benepisyaryo at mapaunlad ang kanilang mga negosyo tungo sa pagiging matatag, sapat, at nagsasariling mga samahan na kayang ipagpatuloy ang operasyon kahit matapos na ang tulong ng programa.


























