Napagkalooban ng binhing pantanim ang isang grupo ng magsasaka sa Sitio Aurora sa Barangay Patoo sa Odiongan, Romblon kamakailan.
Handog ito ng Department of Agrarian Reform Provincial Office – Romblon (DAR) at Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) para sa Patoo-Aurora Farmers Association bilang tugon sa kahilingan nila na magkaroon ng mga binhing itatanim sa kanilang mga nakahandang lupang pangsakahan.
Maliban sa mga binhi ay ipinagkaloob din ng OPAg ang mga farming tools gaya ng pandilig, rake, at marami pang iba para sa asosasyon.
Sa maikling turn-over ceremony, sinabi ni Engr. Al F. Fetalver, OIC ng OPAg, na napakahalaga ang sektor ng mga magsasaka dahil malaking tulong sila para may makaing gulay, prutas, bigas at iba pang mga uri ng ani ang sambayanan.

























