Arestado sa pinagsamang pwersa ng Odiongan Municipal Police Station, PDEA-Romblon, at Provincial Drug Enforcement Unit ang isang lalaki dahil sa ipinagbabawal na marijuana.
Kinilala ang suspek na si Johnder Montesa, 23 anyos, residente ng Barangay Ligaya, Odiongan, Romblon.
Sa police report mula sa Odiongan MPS, nabilhan di umano nila ang suspek ng isang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana sa halagang P200 sa ginanap na buy-bust operation nitong ika-21 ng Enero.
Maliban sa nabiling isang sachet, may isa pang sachet rin di umano na nakuha ang mga operatibo sa posesyon ng suspek.
Itinanggi naman ni Montesa at ng kanyang pamilya na nagbebenta ito ng iligal na marijuana.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa Odiongan Municipal Police Station habang inihahanda ng kapulisan ang kaukulang kasong isasampa laban rito.