Sugatan ang isang menor de edad na batang nagbibisekleta sa national road ng Barangay Gabawan sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos itong masalpok ng motorsiklo nitong hapon ng Lunes, October 19.
Ayon sa mga saksi, bigla umanong lumabas ang bata mula barangay road patungong national road na binabaybay ng rider na si Rommel Faderanga.
Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang bata at ang bisekleta nito sa kalsada.
Agad naman siyang tinulungan ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection na rumesponde sa aksidente.
Naabutan pa ng news team ang mga rescuers na maingat na isinasakay ang bata sa streatcher bago ito isakay ng ambulansya.
Ligtas na ngayong nagpapagaling ang bata sa Romblon Provincial Hospital.
Samantala, dinala naman si Faderanga sa Odiongan Municipal Police Station gayun rin ang kanyang motorsiklo habang patuloy ang imbestigasyon sa aksidente.