Isang jail guard ng Romblon Provincial Jail sa Romblon, Romblon ang inaresto ng mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station matapos umano nitong pagbantaan na babarilin ang dalawang lalaki sa Brgy. Ilauran, kabilang ang isang barangay kagawad, nang dahil lamang sa hindi siya nito maihatid sa kanilang bahay.
Kinilala ng Romblon Municipal Police Station ang suspek na si Jimmy Riano Feleciano, 29-anyos.
Ayon sa sumbong ng kagawad na si Christopher Fontilar Bien, 35, nag-aantay umano siya sa kanyang kakilala sa Sitio Lower Lagting Brgy. Ilauran nang dumating ang suspek at may dalang baril. Humiling umano ang suspek na ihatid siya sa kanilang bahay ngunit tumanggi ang kagawad dahil wala itong dalang sasakyan.
Dahil umano dito, nagbanta ang suspek na may dalang baril na babarilin nito ang kagawad sa nuo.
Hindi nagtagal ay lumapit ang suspek kay Rizal Manzo, hindi kalayuan sa Brgy. Kagawad at humiling na ihatid rin ngunit tumanggi rin si Manzo, dahilan upang tutukan siya ng suspek ng baril sa nuo at sinabi umanong babarili niya ito.
Matapos maglakad palayo sa lugar ang suspek, sina Bien at Manzo ay nakarinig umano ng mga putok ng baril kung saan tumungo ang suspek.
Agad siyang inaresto matapos mapag-alaman ng mga kapulisan ang pangyayari ngunit hindi nila nakuha ang baril na di umano ay gamit ng suspek sa pagpapatok.
Mahaharap ang suspek sa Attempted Murder at Grave threat.
Wala pang pahayag ang suspek maging ang Romblon Provincial Jail kaugnay sa pangyayari.