Sa ospital ang diretso kagabi ng isang binatilyong lalaki matapos itong tagain sa paa ng ama ng babaeng di umano’y nahalikan nito sa labi.
Batay sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, nasa isang birthday party sa Barangay Dapawan sa Odiongan ang binatilyong biktima na kinilalang si John Paul Cahilig nang sugurin ng suspek na si Rodel Malunes, 37 anyos, para sana kumprontahin kaugnay sa di umano’y nabasa nitong text message na hinalikan ng biktima ang kanyang anak.
Kwinelyuhan umano ng nakainum na si Malunes si Cahilig at maya-maya pa ay bunot na ito ng sundang at tinaga ang biktima sa paa. Nakatakas naman agad ang biktima palayo sa lugar habang ang suspek ay naawat ng mga tao sa lugar.
Kwento ni Malunes sa Romblon News Network, hindi niya naman umano intensyon na tagain ang biktima ngunit nanlaban umano ito nang tinatanong niya kaugnay sa relasyon ng biktima sa kanyang anak na 13-anyos.
Nakakulong na ngayon si Malunes sa Odiongan Municipal Police Station at mahaharap sa kasong Frustrated Homicide.