Umakyat na sa P120,000 ang pabuya sa sinumang makakapagturo o makakapgtukoy sa salarin na may kagagawan ng pagpaslang kay incumbent second district board member Robert Maulion noong nakaraang Sabado.
Ito ay ayon sa pahayag ni Police Captain Manuel Fernandez Jr., hepe ng Odiongan Municipal Police Station nitong Huwebes sa eksklusibong panayam ng RNN sa kanya.
Aniya, dinagdagan ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ang nauna nilang inanunsyo na P20,000 ng P100,000.
Nangako si Captain Fernandez na mananatiling tago ang identity ng mga magsusumbong sa kanilang mga hotline o di kaya sa mga pupunta sa Odiongan Municipal Police Station.
“Ang total reward money natin ay P120,000 at yan po ay manggagaling sa Odiongan LGU. Sa sinuman po na may impormasyon tungkol sa kasong ito, ay pwede kayong tumawag o magtext sa hotline ng Odiongan MPS na 09272740023 at sa 09985985891. Makakasiguro po sila na ang kanilang confidentiality at maproproktekahan natin,” pahayag ni Fernandez.
Matatandaang nauna ng sinabi ni Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic sa pamamagitan ng kanyang Facebook Post, na gagawin ng lokal na pamahalaan ang kanilang maitutulong sa Philippine National Police para mabigyan hustisya ang nangyari sa yumaong board member.