Nilamon ng nagngangalit na apoy ang bodega ng KW Trading sa Barangay Poctoy sa bayan ng Odiongan, Romblon nitong Sabado ng hapon.
Ayon sa ulat, bandang 2:35 ng hapon nang mapansin ng karamihan na may makapal na usok na nagmumula sa direksyon ng bodega at ng ito ay datnan ay malaki na ang apoy.
Agad namang dumating ang mga tauhan ng Odiongan Fire Station, mga opisyal ng barangay, maging ang ilang firetruck na pagmamay-ari ng ilang pribadong indibidwal.
Kasamang natupok ng apoy ang mga motorsiklo na nasa loob ng nasunog na bodega.
Naging pahirapan naman ang pag apula sa sunog dahil gawa sa goma ang mga gulong ng mga sasakyan dahilan upang mabilis ring kumalat ang apoy.
Idineklarang fire-out ang sunog bandang 3:40 ng hapon.
Iniimbestigahan na ng Bureau of Fire Protection ang pinagmulan ng apoy, at kung aabot sa magkanong halaga ang natupok na ari-arian.