Natagpuang walang buhay at may saksak sa leeg si Sangguniang Panlalawigan member Robert Maulion, 58, sa kanyang pamamahay sa bayan ng Odiongan, Romblon nitong umaga ng Sabado.
Ayon sa pulisya, maghahatid sana ng pagkain sa kwarto ni Maulion ang isa sa mga border nito ngunit pagdating niya ay bumungad sa kanya ang walang buhay na katawan ng Sangguniang Panlalawigan member.
Agad namang pumunta sa crime scene ang mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station at ang Scene of Crime Office (SOCO) upang imbestigahan ang insidente.
Sa unang imbestigasyon lumalabas na may mga saksak ng bladed weapon sa leeg si Maulion, at ilang sugat sa kamay, palatandaan na nanlaban ito sa suspek bago bawian ng buhay.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa krimen para makilala ang may kagagawan nito, at matukoy ang dahilan ng pagpatay.