Inanunsyo ng opisina ni Vice-President for Academic Affairs, Dr. Elvin Gaac, sa pamamagitan ng RSU-Main Campus’ Supreme Student Council facebook page, na tatapusin na ng May 8 ang second semester ng lahat ng campus ng Romblon State University, ito ay sa gitna ng inaasahang pagpapatupad ng general community quarantine sa darating na Mayo sa probinsya ng Romblon.
Ito umano ang napagkasunduan sa ginanap na emergency meeting noong ika-23 ng Abril kasama si acting RSU President Atty. Joselito C. Alisuag.
Ayon sa napagkasunduan, ang grades ng mga estudyante ay idedepende nalang sa kanilang midterm performance at mga outputs.
Hinihikayat rin ng pamunuan ang mga guro nito na ipasa ang lahat ng estudyante, o di kaya ay bigyan ng markang ‘Incomplete (INC)’ kung hindi pumasok sa 3.0 na passing rate.
Hindi naman umano kailangang magpasa ng manuscript para sa mga gumagawa ng thesis para pagbasehan ng grades kundi idedepende nalang rin ito sa naabot ng kanilang paper.
Samantala, June 4 naman ang araw na idedeklara ang mga graduate ng SY 2019-2020, bagama’t walang mangyayaring seremonya.
Inaasahang sa April 27 ay maglalabas ng opisyal na memorandum order ang opisina ni Vice-President for Academic Affairs Dr. Elvin Gaac kaugnay sa nasabing desisyon.