Sa pakikipag-ugnayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Mimaropa sa bawat lokal na pamahalaan sa rehiyon, napagalaman ng ahensya na 411,074 ang kabuuang bilang ng pamilya ang mabibigyan ng P5,000 ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Sa kabuuan, humigit-kumulang dalawang bilyong piso ang nilaang budget ng DSWD sa rehiyon na bumabalangkas sa 120,948 pamilya sa Oriental Mindoro; 64,396 sa Occidental Mindoro; 57, 190 sa Marinduque; 54,383 sa Romblon at 114,157 naman sa Palawan.
Ayon kay Officer-In-Charge RD Purificacion Arriola, “ang DSWD Mimaropa ay naisalin na ang mga kaukulang SAP na pondo sa bawat LGU sa rehiyon upang pangasiwaan nila ang pay-out sa mga benepisyaryong pamilya”.
Alinsunod ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ), ang ahensya ay nakipag-ugnayan din sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire and Protection (BFP) at Philippine National Police (PNP) upang masiguro na ang panuntunang ipinapatupad tulad ng social distancing at pagsusuot ng face mask ay masunod habang isinasagawa ang pay-out sa mga benepisyaryong pamilya.
Ipinabatid din ng DSWD Mimaropa na ang nasabing pinansiyal na tulong ay emergency subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) para sa mga pamilyang nabibilang lamang sa “low income”. Ang SAP ay tugon ng pamahalaan sa pinaigting na pagpapatupad ng Community Quarantine sa buong Luzon sanhi ng COVID-19. (Lisabelle Carpio/PIAMimaropa)