Pumanaw nitong Linggo, Marso 22, ang isang Patient Under Investigation (PUI) para sa COVID-19, ang kauna-unahan sa lalawigan, habang ginagamot sa San Jose District Hospital (SJDH).
Batay sa opisyal na pahayag ng Provincial Health Office (PHO), ang 84 taong gulang na PUI ay mula sa bayang ito at namatay dahil sa Acute Respiratory Disease Syndrome (ARDS) secondary to Severe Pneumonia. “May travel history ang pasyente sa Metro Manila bago umuwi ng San Jose,” saad ni Dr. Ma Teresa Tan, tagapamahala ng PHO.
“Mabilis iyong progreso ng sakit ng PUI na ito” kwento ni Dr. Tan. Aniya, ipinasok ito sa ospital bandang alas dose ng tanghali dahil sa lagnat at hirap sa paghinga. Nakunan ito ng test specimen, bago ang ika-6 n.g. at pumanaw dakong 10:49 ng gabi ring iyon. “Kahit wala pa ang resulta ng specimen, naging maingat tayo sa pagtrato sa labi ng pasyente,” dagdag pa ng opisyal ng PHO. Wala man aniyang crematorium sa lalawigan, sinunod nila ang protocol para sa mga labing nag-positibo sa pinangangambahang virus. “Dalawang beses naming binalot ang labi bago inilagay sa metal casket at agad inilibing,”pahayag pa ng opisyal. Nagsasagawa na rin aniya ngayon ng contact tracing ang Municipal Health Office (MHO) ng San Jose.
Kaugnay nito, mahigpit na ipinaalala ni Dr. Tan sa mga mamamayan ng lalawigan na manatili sa loob ng kani-kanilang tahanan upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng COVID-19. Inulit pa ng opisyal na mahalaga ang palagiang paghuhugas ng mga kamay, tamang pamamaraan ng pag-ubo, at physical distancing.
Sa kasalukuyan, ayon pa rin kay Dr. Tan, may 80 PUI’s sa lalawigan at 6,266 na People Under Monitoring (PUM), habang hinihintay ang resulta ng lab test ng pasyenteng nasawi kung positibo ito o hindi sa COVID-19. (Voltaire N. Dequina/PIA MIMAROPA)