Kinumpirma ng Department of Health (DOH) – Mimaropa ang unang kaso ng Covid-19 sa lalawigan ng Marinduque nitong hapon ng Lunes, March 23.
Ayon sa DOH-Mimaropa, ang nasabing pasyente ay isang 24 anyos na lalaki, Filipino, na nanggaling sa Paranaque.
March 12 nang umuwi ang pasyente mula Paranque at nakaranas ng lagnat at soar throat pagdating nito sa Marinduque. Matapos magpakonsulta, agad siyang inadmit.
March 15 nang kunan siya ng specimen na agad namang ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine para sa confirmatory test.
March 18 nang ito ay pauwiin matapos gumanda umano ang kanyang kundisyon.
Ngayong araw, kinumpirma ng Research Institute for Tropical Medicine na nagpositibo ito ngunit sa virus bagama’t stable na ang sitwasyon nito at ngayon ay nasa home quarantine.
Nagsasagawa na umano ng tracing ang Marinduque Provincial Health Office (PHO) at ang Provincial DOH Office (PDOHO) para sa mga posibleng nakasalamuha ng pasyente habang nasa biyahe ito patungong Marinduque.
Ang nasabing Covid-19 case sa Marinduque ay pangalawa na sa rehiyon ng Mimaropa, ito ay kasunod ng pagkumpirma rin ng DOH-Mimaropa sa positive covid-19 case sa Palawan kahapon.