Negatibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang PUI sa Palawan na namatay noong Marso 18.
Inihayag ito ng Department of Health (DOH)-Mimaropa sa pamamagitan ng press release na kanilang inilabas kahapon.
Nakasaad sa press release na sa pagsusuri ng sample specimen nito mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay nag-negatibo ito sa COVID-19. Sa tamang koordinasyon ay naiparating ang impormasyong ito sa kinauukulang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng City Health Office (CHO).
Samantala, ang Palawan ang nakapagtala ng pinakamababang bilang ng ‘Patient Under Investigation’ o PUI sa buong rehiyon ng Mimaropa.
Ayon ito sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) Tracker na inilabas ng DOH-Mimaropa kahapon.
Ang Palawan ay nakapag-tala lamang ng 57 PUI o 14.67 porsiyento mula sa kasalukuyang kabuuhang bilang na 394 ng buong Mimaropa. Pinakamarami dito ay ang lalawigan ng Romblon na mayroong 97 PUIs, Sumunod ang Marinduque-85, pangatlo ang Occidental Mindoro-80 at pang-apat ang Oriental Mindoro-75.
Payo ng DOH, upang mapanatili ang mababang bilang ng PUI at upang hindi na dumami pa ito ay sundin ang mga alintuntunin na ipinatutupad ng pamahalaan sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine.
Pinapayuhan din ang mga mamamayan na huwag mag-panic, sumunod sa payo ng mga health workers, ugaliing maghugas ng kamay, gawin ang tamang paraan ng ubo o pagbahing, panatilihin ang isang metrong layo (o social distancing), at makipag tulungan sa contact tracing.
Sa kabila ng pagkakaroon ng dalawang positibong kaso ng COVID-19 sa rehiyon (1-Palawan at 1-Marinduque), sa kasalukuyan ay wala pa ring naitatalang local o community transmission ng COVID-19 sa rehiyong Mimaropa ayon sa DOH. (Orlan C. Jabagat/PIA-MIMAROPA)