Mahigit dalawang linggo matapos maminsala ang bagyong Ursula sa Romblon, naibalik na ng Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO) ang kuryente sa lahat ng sitio at barangay sa mga isla ng Tablas at Carabao.
Ayon kay TIELCO General Manager Orville Ferranco ng makapanayam ng Philippine Information Agency- Romblon, tapos na noong January 07 ang pagsasaayos ng kanilang distribution system sa dalawang isla.
Aniya, malaki ang naiwang pinsala ng dalawang bagyo pagdating sa mga linya at poste ng kuryente sa mga nabanggit na lugar.
“Yung unang bagyo (Tisoy) umabot ng mahigit 7-million pesos ang nasira sa ating mga linya sa northern part ng Tablas, tapos pagdaan ng Ursula mahigit 4.3-million pesos naman ang nasira,” ayon kay Ferranco.
Sinabi naman ni Ferranco na kahit tapos na ang pagsasaayos ng kanilang distribution system, may ilang bahay parin sa bayan ng San Agustin at San Jose ang wala paring ilaw dahil may problema ang mga linya patungo sa kanilang mga bahay.
Pinayuhan ni Ferranco ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na wala pang kuryente na pumunta sa opisina ng TIELCO para matingnan ng inspector kung ano ang dapat ayusin sa kanilang mga linya.
“Sila po kasi mag-aayos niyang papasok na sa mga bahay nila, yung amin lang yung metro, pagnasira yang metro nila, libre naman naming papalitan,” pahayag ni Ferranco.
Siniguro naman ni Ferranco na walang magiging pagtaas sa singil ng kuryente sa mga nabanggit na isla kahit malaki ang nagastos ng kooperatiba sa pagsasaayos ng pinsala ng bagyong Tisoy at Ursula.