Lima katao ang sugatan sa salpukan ng dalawang sasakyan sa kahabaan ng National Road sa Barangay Panique, Odiongan, Romblon nitong January 12.
Kinilala ang mga sugatan na sina Winston Fabula, driver ng motorsiklo, at mga angkas nitong sina Eunalyn Benedicto, at Marjorie Garcia; at sina Climaco Faderogaya, driver ng tricycle (garong) at angkas nitong si Robert Fabito.
Ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, binababay nina Benedicto ang kahabaan ng national road patungong town proper nang biglang salpukin sila ng kasalubong na tricycle na nangain di umano ng linya ng motorsiklo.
Tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo at tricycle na naging dahilan kung bakit sila nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad isinugod ang lima ng rumespondeng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection – Odiongan sa Romblon Provincial Hospital para bigyan ng lunas.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa aksidente.