Dumalo ang daan-daang magsasaka mula sa mga lalawigan at lungsod ng rehiyong Mimaropa sa idinaos na tatlong araw na ‘Regional Organic Agriculture Congress (ROAC)’ sa Puerto Princesa.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Department of Agriculture (DA) katuwang ang mga opisinang pang-agrikultura ng lokal na pamahalaan sa lungsod at lalawigan ng Palawan.
Ito ay taunang aktibidad na ang layunin ay matipon at mapalakas ang mga nagsasagawa ng organikong pagsasaka at maipakita sa publiko ang kani-kanilang mga produkto sa pamamagitan ng binuksang ‘exhibit’ na kinatampukan ng mga gulay, prutas at iba pang klase ng pagkain.
Sa pamamagitan din ng gawain, natutukoy ng DA ang mga aspetong kinakailangan ng interbensyon mula sa pamahalaan, sa pamamagitan ng pagtalakay dito ng mga usapin at estratehiya sa organikong pagsasaka.
Sinabi ni Michael Graciano Iledan, regional organic focal person ng DA-Mimaropa, umaabot pa lamang sa lima hanggang 10 porsiyento ang nagsasagawa ng organikong pagsasaka sa buong rehiyon, kung kaya isinusulong ito ngayon ng ahensya upang mapalakas.
Bunsod nito, ang DA aniya ay nagkakaloob ng mga pagsasanay sa pamamagitan ng Agricultural Training Institute (ATI), kagamitan upang mapaganda at mapabilis ang kanilang pagsasaka, maging ang tulong pinansyal sa mga ito.
Samantala, bahagi ng ROAC ang pagbuo ng aktibong Regional Agriculture Organic Council upang makatuwang ng DA sa pag organisa ng sektor na kinakailangan sa pagpapalakas at pagsusulong ng organikong pagsasaka. (Leila B. Dagot/PIAMIMAROPA-Palawan)