Hinihikayat ng pamunuan ng Tablas Island Electric Cooperative Inc. (TIELCO) ang kanilang mga consumers na gamitin ang kanilang kauna-unahang mobile application sa pag-monitor ng kanilang mga buwanang electric bills.
Ayon kay Engr. Orville Ferranco, General Manager ng TIELCO, Ang ‘TIELCO Mobile’ ay isang libreng application na pwedeng i-download sa Google Play Store para sa lahat ng android smartphones at tablets.
Matapos na ma-download, kailangan ng consumer na mag rehistro sa application sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang membership number at account number.
“Yang mobile app ng TIELCO, pwedeng gamitin yan sa pag-monitor ng buwanang electric bills at pwede ring gamitin para magpadala ng reklamo katulad ng brownout, at iba pang dapat aksyunan ng pamunuan,” ayon kay GM Ferranco nang dumalo sa Kapihan sa PIA-Romblon nitong ika-2 ng Setyembre.
Dagdag ni Ferranco, nakipagtulungan sila sa Optiserve Technologies Inc para mabuo ang kauna-unahang interactive mobile application ng isang electric cooperative sa lalawigan.
“Kami kasi, isinusulong natin ang halos paperless transaction sa ating opisina kaya isa itong mobile application sa mga programa natin,” paliwanag ni GM Ferranco.
Maliban sa nasabing mobile application, nakikipag-usap na rin umano ang pamunuan ng TIELCO sa isang kompanya para magamit ng mga consumers ang kanilang virtual wallet sa pagbabayad ng buwanang electric bill sa TIELCO.