Isang 59-taong gulang na babae ang namatay matapos itong mahulog sa isang kawayang tulay at malunod sa ilog nitong hapon ng Sabado, August 3, sa Barangay Poblacion sa bayan ng Ferrol, Romblon.
Kinilala ang biktima na si Sally Sarmiento Andrade, residente ng nasabing lugar.
Ayon sa ilang residente na malapit sa pinagyarihan ng aksidente, nakita nalang umano ng ilang batang dumaan malapit sa ilog ang nakalutang na katawan ng matanda kaya agad silang humingi ng saklolo.
Sinubukang dalhin si Andrade sa Rural Health Center ng Ferrol ngunit idineklara ring Dead on Arrival.
Posible umanong tatawid sana ng kawayang tulay ang matanda para pumunta sa alaga niyang baboy ngunit nadulas dahil basa umano ang kawayan at nahulog ang matanda hanggang sa malunod sa ilog.
Ayon sa Ferrol Municipal Police Station, wala silang nakikitang foul play sa aksidente.