Ang lokal na pamahalaan ng Romblon ay nakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon ngayong taon taglay ang temang “Kumain ng Wasto at Maging Aktibo… Push natin ‘to!”
Kaugnay nito, ang lokal na pamahalaan sa pakikipagtulungan ng Municipal Nutrition Action Office at mga Barangay Nutrition Scholars sa mga barangay ay nagsabit ng mga streamers sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay Municipal Health Officer Dr. Merly Valen Mallorca, pangunahing layunin ng taunang paggunita ng buwan ng nutrisyon ang maipamulat sa mga magulang, mga kabataan at mag-aaral ang kahalagahan ng wastong nutrisyon.
Magkakatuwang aniya ang tanggapan ni Mayor Gerard S. Montojo, Municipal Social Welfare and Development Office, Department of Education, Rural Health Unit, Municipal Nutrition Committee, Office of the Municipal Agriculture at mga punong-guro sa mga pampublikong paaralan sa sekondarya at elementarya sa pagsasagawa ng iba’t ibang programang pangkalusugan sa mga paaralan gaya ng nutrition quiz bee, poster making contest, oryentasyon ukol sa national greening program at gulayan sa paaralan, pamamahagi ng binhi ng gulay at abono sa pananim sa mga magulang at TLE teachers.
Sinabi naman ni Antonia Moaje, Municipal Nutrition Action officer (MNAO), na kabilang din ang pagsusulong sa mga programang pangkalusugan ng pamahalaan upang tuluyang mawakasan ang malnutrisyon sa mga bata, pagtuturo sa bawat magulang kung paano magiging balanse ang ihahain na pagkain sa hapag kainan at paghimok sa komunidad na magtanim ng masusustansiyang gulay at prutas sa kanilang bakuran.
Hinihikayat naman ni Anita R. Morales, focal person on high value crops and development program, Office of the Municipal Agriculturist, ang lahat ng mga mag-aaral at guro sa Romblon na mas lalo pang tutukan ang programa na “Gulayan sa Paaralan” na matagal ng inilunsad ng Department of Education (DepEd) sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA).
Nagpaalala rin si Morales na hindi dapat makalimutan ng mga mag-aaral ang kanilang responsibilidad sa kalikasan gaano man kaabala sa mga asignaturang itinuturo sa loob ng paaralan.
Dapat aniya, sa murang edad ng mga mag-aaral ay marunong na silang magtanim at maglinang ng lupa na unti-unti nang nawawala ngayon sa puso ng maraming mamamayan.
Hiling naman ni Raymund Juvian Moratin, Municipal Agriculturist sa mga magsasaka o magulang na kanilang binigyan ng vegetable seeds at commercial fertilizer na sana ay maitanim ng mga ito ang mga binhi upang kanilang makita ang maganda at malaking produksiyon ng gulay. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)