Patay na ng matagpuan ng kanyang mga kasama ang isang security guard ng Cajimos Diesel Power Plant sa Barangay Cajimos, Romblon, Romblon nitong umaga ng Linggo matapos di umanong ma-stroke.
Kinilala ang biktima na si Dennis Fermin, 37, residente rin ng nasabing barangay.
Batay sa imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station, nakita si Fermin ng kanyang kasama na walang buhay sa loob ng guard house ng nasabing power plant kaya agad itong humingi ng tulong sa ibang residente malapit sa lugar para dalhin ang biktima sa ospital.
Sa kasamaang palad, idineklarang dead on arrival ng Doctor sa Romblon District Hospital si Fermin.
Ayon kay Dra. Aicy Festin ng RDH, Acute Hemorrhagic Stroke ang ikinamatay ni Fermin, iba sa report ng pulisya na di umano’y heat stroke.