Binawi ng Regional Oversight Committee on Dangerous Drugs sa MIMAROPA ang pagpro-proklama sa probinsya ng Romblon bilang isang drug cleared province matapos na may tatlong taga-Tablas ang napasama sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang pahayag ni PCol. Arvin Molina, Provincial Director ng PNP-Romblon nang magbigay ng update sa programa ng kanilang opisina sa ginanap na Meet-and-Greet Meeting ng mga LGU/Provincial/Regional Heads sa Quezon City nitong Huwebes, June 20.
Kinumpirma nitong Sabado ni PDEA MIMAROPA Regional Director Mario Ramos sa Romblon News Network ang pahayag ni Molina.
“Noong na-declare siya walang problema hanggang sa maglabas si Pangulong Duterte ng narcolist…may napabilang nga na mga taga-Romblon, at that point, automatic na revert back ‘yung pagiging drug-cleared ng province,” ayon kay Director Ramos.
“Wala kaming magagawa kasi kailangang magkaroon ng adjudication ‘yung tatlong nasa narcolist pero hanggang ngayon walang resulta ‘yung adjudication. Natapos na ang election pero wala paring formal result and we are waiting for that,” dagdag ni Ramos.
Maliban umano sa hinihintay na resulta sa validation doon sa tatlong nasa narcolist ni Pangulong Duterte, dapat rin umanong maipatayo sa probinsya ang Balay/Bahay Silangan na pwedeng pagdalhan ng mga drug offenders.
Samantala, sinabi rin ni Ramos na may mga namomonitor parin sila sa probinsya na nagbebenta ng iligal na droga at patuloy ang kanilang operation para madakip ang mga ito.
Matatandaang idineklarang drug-cleared province ang Romblon noong November 2017 kasunod nang isinagawang monitoring at verification ng mga Drug Abuse Council sa mga sumuko sa Oplan Tokhang ng pulisya.