Patay na ng matagpuang ng mga mangingisda sa Alad Island, Romblon ang lalaking apat na araw ng nawawala matapos pumalaot mula sa San Agustin, Romblon.
Kinilala ang natagpuang lalaki na si Jerry Arnaiz Mago, residente ng Barangay Doña Juana sa San Agustin.
Kwento ng kapatid ni Mago na si Gina, madaling araw ng May 26 nang pumalaot si Jerry patungong Alad Island sa gitna ng masamang panahon para sana mangisda ngunit ikinabahala ng kanyang pamilya ng hindi ito bumalik kinahapunan.
Agad na nagpatulong sa Philippine National Police ang kamag-anak ng biktima para hanapin ito, gayun na rin sa Philippine Coast Guard, hanggang sa matagpuan na ngang walang buhay kaninang hapon sa layong halos 50 meters mula sa dalampasigan ng Alad Island.
Humiling na ang pamilya ni Mago na ipa-autopsy ang katawan nito para matukoy ang dahilan ng kanyang pagkamatay.