Inutusan ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – Romblon ang kanilang mga Field Officer na paalalahan ang mga opisyal ng Barangay na dapat wala silang kinikilingan at huwag pumabor sa iisang politiko lang sa pagsisimula ng kampanya bukas.
Ayon kay Premillie Solidum ng DILG-Romblon, nagsasagawa umano ng regular na liga meeting ang mga MLGOO at mga nasasakupan nilang barangay officials kung saan kanilang pinapaalala na sila ay non-partisan.
Nauna ng nagsabi si DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño sa mga barangay officials na kung sakaling may pumunta ang mga kandidato sa kanilang barangay ay dapat nilang tanggapin kahit sino pa man ito.
Kung sakaling may makita umano silang barangay officials na pumapabor sa isang kandidato, maari umano silang magsumbong sa Sangguniang Bayan, sa Department of the Interior and Local Government o di kaya ay sa Office of the Ombudsman.
Sinabi rin ni Solidum na kung walang lalapit sa mga nabanggit na opisina para magrereklamo ay walang mapaparusahan.