Sa halip na sa bahay ang uwi ng isang rider, sa Romblon District Hospital ito dumiretso matapos tumilapon sa motorsiklo at mahulog sa bangin sa Romblon, Romblon bandang alas-9 kagabi.
Kinilala ang rider na si Raymond Aquino Gadon, residente ng San Andres, Romblon.
Ayon kay Police Senior Inspector Ledilyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Police Provincial Office, pauwi na sana sa Barangay Lunos ang rider ngunit pagdating nito sa may pakurbang daan sa may Magnificat Center, nawalan umano ito ng kontrol sa motorsiklo at sumalpok sa concrete barrier hanggang sa tumilapon sa mabatong bangin.
Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng Philippine National Police at Bureau of Fire Protection para madala sa hospital ang rider.
Nagtamo ng multiple injuries ang rider na ngayon ay nagpapagaling sa Romblon District Hospital.
Naipalam na sa pamilya ni Gadon sa San Andres ang nangyari sa kanya.