Hindi nag atubiling tulungang buhatin ng dalawang kawani ng Concepcion Municipal Police Station nitong umaga ng Martes, ika-11 ng Disyembre, ang isang ginang na dumating sa bayan ng Concepcion, Sibale lulan ng bangkang de motor na napag-alamang bagong panganak pa lamang.
Ang dalawang pulis na nabanggit ay sina PO1 Jovelyn Batil at PO1 Alvin Tallon.
Sa post na ibinahagi ng Concepcion MPS, ang pasyente na kanilang tinulungan ay residente ng Barangay San Pedro na nanganak ng wala pa sa tamang buwan ng kanyang pagbubuntis.
Agad nilang dinala ang mag-ina sa Municipal Health Center upang mabigyan ang mga ito ng kaukulang atensyong medical.
Ikinagalak naman ng kasalukuyang hepe ng Sibale na si P/INSP Agustin Aban ang ipinamalas na kabutihan ng kaniyang mga tauhan. Patunay lang umano ito na nakahanda ang kanilang hanay na magbigay ng kahit anong klaseng assistance para sa mga nangangailangang residente ng Sibale.