Opisyal ng inilunsad nitong nakaraang buwan sa isang trade fair sa SM Mega Mall ang pinakaaabangang MIMAROPA Festival 2018 na gaganapin sa bayan ng Mamburao, Occidental Mindoro sa darating na November 14 – 18, 2018.
Mismong sina Department of Tourism (DOT) MIMAROPA Regional Director Maria Luisa Diploma, at Occidental Mindoro Provincial Tourism Officer Maria Isabel Castillo ang nanguna sa nasabing launching.
Ang aktibidad ay lalahukan ng limang lalawigan at dalawang lungsod na bumubuo sa rehiyong Mimaropa na kinabibilangan ng Mindoro (Occidental at Oriental), Marinduque, Romblon, Palawan at ang mga lungsod ng Puerto Princesa at Calapan.
Nagpasalamat naman si Mamburao Municipal Administrator Gladys Barile na dumalo sa event bilang proxy ni Mayor Angelina Tria dahil pinili ng mga probinsya sa rehiyon na sa probinsya ng Occidental Mindoro gawin ang festival sa kanyang ika-apat na taon.
Ang Mimaropa Festival na unang isinagawa noong taong 2015 ay naglalayong maipakilala ang iba’t-ibang pagdiriwang ng rehiyon at maisulong ang mga produktong pang-agrikultura at turismo nito batay na rin sa bisyon ng Mimaropa na makilala bilang “Destination of Choice”.