Ipinagdiwang sa bayan ng Romblon ang ika-29 National Statistics Month (NSM) kung saan nagsagawa ng iba’t-ibang aktibidad ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa pangunguna ni Provincial Statistics Officer Engr. Lino P. Faminialagao.
Ang selebrasyon para sa buong buwan ay pinasimulan sa pamamagitan ng motorcade sa kabayanan ng Romblon kasunod ang maikling programa sa PSA Romblon Provincial Office na dinaluhan ng 45 katao na kinabibilangan ng mga kinatawan ng national government agencies, barangay officials at ilang estudyante.
Layon ng selebrasyon na makapagbigay-kaalaman ukol sa kahalagahan ng statistics sa mga mag-aaral, pamahalaan at private establishments sa pagsasagawa ng plano at pagbibigay serbisyo sa mamamayan.
Ilan sa mga naging aktibidad sa buong buwang selebrasyon ng NSM ay statistical quiz, poster-making contest na nilahukan ng mga estudyante sa high school at pagsasagawa ng information drive ukol sa National ID System sa mga stakeholders partikular ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Program na unang bibigyan nito.
Ang tema ng 29th National Statistics Month ngayong taon ay “Exploring Philippine Wonders in Numbers: Statistics Towards Sustainable Tourism Development.” (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)