Naghain na nitong Lunes, October 15, ng certificates of candidacy (coc) sa opisina ng Commission on Elections (Comelec) ang dalawang matunog na maglalaban sa pagka-alkalde ng bayan ng Corcuera, Simara Island na sina incumbent Vice Mayor Elmer Fruelda at si Sayrie Ferry.
Umaga naghain ang grupo ni Fruelda na inindorso mismo ni incumbent Mayor Rachel Bañares bilang miyembro ng Nacionalista – PDP Laban Coalition sa Romblon.
Samantala, tatakbo naman sa pagka-bise alkalde ni Fruelda ang anak ni Bañares na si Apple Fabiala-Fondevilla kasama ang 7 kandidato nila sa pagka-Sangguniang Bayan.
Hapon naman nag-file ng coc si Ferry ng LP, Lakas-CMD Coalition kasama ang kanyang Bise Alkalde na si dating Corcuera Mayor Eddie Mazo. Kasama rin nilang nag-file ng COC ang 7 rin nilang pambato para sa Sanggunian.