Inaasahang maglalabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) MIMAROPA ng bagong kautusan patungkol sa sahod ng mga mangagawa sa rehiyon ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) ngayong Oktubre.
Ito ang sinabi ni Labor Undersecretary Ciriaco A. Lagunzad III sa isang press conference bago magtapos ang buwan ng Setyembre.
Nagsagawa na rin umano ng public consultations sa iba’t ibang probinsya patungkol sa posibleng pagtaas ng sahod ng mga mangagawa noong nakaraang buwan at posibleng ngayong unang mga araw ng Oktubre ay magsagawa na ng deliberations.
Sa kasalukuyan ang minimum wage ng isang empleyado sa MIMAROPA kabilang ang Romblon ay ₱300 kung sampu pataas ang mga empleyado at P271 naman kung hindi tataas sa sampu ang empleyadong pinapasahod.
Sinabi rin ng Lagunzad na September 24, 2017 pa huling maglabas ng wage order ang DOLE-MIMAROPA.
Maliban sa MIMAROPA, inaasahan ring magkakaroon din ng kanya-kanyang wage orders ang mga rehiyon ng Northern Mindanao (Region 10), Cagayan Valley (Region 2), at National Capital Region.