Pinaalalahanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – MIMAROPA ang mga kandidato sa darating na eleksyon 2019 na huwag gamitin ang mga proyekto ng kagawaran sa kanilang mga plataporma at panangampanya.
Ang DSWD umano ay dapat hindi makulayan ng politika dahil ito umano’y isang halos independent na departamento kagaya ng mga media na layunin lang na tumulong sa publiko.
Ayon kay DSWD Ernie Jarabejo, Regional Coordinator ng DSWD-Listahanan, may mga protocols umano sila para pagbawalan ang pagkakaroon ng ‘EPAL’ sa kanilang mga payout kagaya ng Unconditional Cash Transfer Program (UCT) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
“May mga dialogues at formal meetings po kami sa mga local government units, social welfare and development offices at sa mga legislators para sa topic na yan,” pahayag ni Jarabejo.
“At kung gawin man nila, alam nila kung ano ang repercussions jan,” dagdag ni Jarabejo.
Natanong ito kay Jarabejo dahil sa ilang insidente na di umano’y may isang opisyal ng barangay o ng munisipyo na nagsasabi na tatanggalin sa listahan ang isang miyembro ng 4Ps kapag hindi siya sinuportahan sa kanyang kandidatura.
Pinayuhan ni Jarabejo ang publiko na magsumbong sa pinakamalapit na opisina ng Department of Social Welfare and Development kung sakaling may mga ganitong insidente silang nasaksihan o di kaya’y nalaman para maaksyunan ng ahensya.