Aabot sa 240 na pasahero na patungong Romblon at Marinduque ang kasalukuyang stranded sa Lucena Port sa Quezon matapos kanselahin ang biyahe ng RORO galing sa pantalan dulot parin ng bagyong Rosita.
Ang mga nabanggit na stranded ay pasahero sana ng M/V Virgen De Penafrancia VII na biyaheng Romblon at Marinduque.
Samantala, kanselado parin ngayong ang biyahe ng mga barko galing naman sa Batangas Port patungo paring probinsya ng Romblon dahil parin sa nakataas na public storm warning signal #1 sa probinsya ng Batangas.
Batay sa pinakahuling taya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong alas-8 ng umaga, nasa vicinity na ng Echague, Isabela ang bagyong Rosita at gumagalaw patungong West sa bilis na 25kph.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 140kph malapit sa gitna at bugso hanggang sa 230kph.
Nakataas na ang Tropical Cyclone Warning Signal No. 3 sa mga lalawigan ng Isabela, Quirino, Northern Aurora, Nueva Vizcaya, Ifugao, Benguet, La Union, Ilocos Sur, Mountain Province, at Pangasinan.
Signal #2 naman sa Cagayan, Ilocos Norte, Apayao, Abra, Kalinga, Tarlac, Nueva Ecija, Northern Quezon including Polillo Island, Southern Aurora, Zambales, Pampanga at Bulacan.
Signal #1 sa mga lugar ng Rizal, Babuyan group of Islands, Metro Manila, Laguna, Batangas, Bataan at Cavite.
Inaasahang Huwebes na ng umaga lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Rosita.