Sugatan sa pananaksak nitong hapon ng Huwebes ang isang retiradong pulis sa labas ng isang videoke bar sa Sitio Ipil, Barangay Lonos sa bayan ng Romblon, Romblon.
Kinilala ang retiradong pulis na si Efren Rivero Madeja, 58-anyos, habang ang suspek naman ay kinilalang si Ronald Perdonia Maisa, 31-anyos, pawang mga residente ng nabanggit na barangay.
Ayon sa police report na nakarating sa opisina ni P/Senior Inspector Ledilyn Ambonan, spokesperson ng Romblon Police Provincial Office, katatapos lang umano makipag-inuman si Madeja sa loob ng S&L Videoke Bar nang magdesisyon itong uuwi na ngunit pagdating sa gate ng nasabing establisyemento ay bigla itong hinarang ng suspek at biglang sinaksak ng tatlong beses gamit ang isang basag na bote.
Agad namang napigilan ng mga bystanders ang gulo at agad na isinugod sa Romblon District Hospital ang biktima matapos magtamo ng sugat sa kanyang mukha at katawan samantalang ang suspek naman ay agad na tumakas paalis sa lugar.
Kalaunan ay kusang sumuko sa pulisya ang suspek sa pamamagitan ni Barangay Kagawad Eduardo Madeja.
Nakakulong na ang suspek sa Romblon Municipal Police Station at nahaharap sa kaukulang kaso.