Dalawang mangingisda ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard matapos lumubog ang kanilang dalang mga bangka sa bahagi ng Santa Maria, Romblon.
Unang nailigtas ang mangingisdang si Johnny Mendezabal matapos na makitang palutang-lutang sa dagat ng ilang mangingisda.
Sunod namang nailigtas sa bahagi ng bayan ng San Agustin si Jose Mago Jr. na nagpalutang-lutang nalang rin sa malakas na alon ng dagat.
Agad na dinala ang dalawa sa Tablas Island District Hospital para agad na bigyan ng gamot.
Kwento ng dalawa, madaling araw ng pumalaot sila para sana mangisda ngunit binayo umano sila ng malalakas na alon na naging dahilan kung bakit lumubog ang kanilang dalang mga bangka.
Ang masamang panahon na nararanasan sa Romblon ay dahil sa epekto ng Habagat na pinalalakas pa ng bagyong Josie.