Isang matandang lalaki sa Barangay Palje, Romblon, Romblon na aawat lang sana sa suntukan ang sugatan matapos mataga ng isa sa mga nagsusuntukan nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Edy Magada Delos Angeles, 63; habang ang suspek ay si Vhyron John Malay Malupa, 33-anyos.
Ayon sa report na nakarating sa opisina ni Police Senior Inspector Ledilyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Police Provincial Office, nakipagsuntukan umano ang suspek sa anak ni Delos Angeles dahil sa matagal ng alitan.
Naawat rin agad sila ng mga residente sa lugar ngunit bigla umanong bumalik ang suspek na may dala ng bolo. Sinubukan silang awatin ni Delos Angeles ngunit siya ang natamaan ng bolo ng suspek.
Nagtamo ng sugat sa kanang kamay ang biktima kaya agad itong isinugod sa Romblon District Hospital para gamutin.
Samantala, agad namang naaresto ng mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station ang suspek. Nahaharap ito sa kaukulang kaso.