Isa ang patay habang apat naman ang sugatan at isinugod sa ospital matapos masangkot sa isang aksidente sa Barangay Agnipa, Romblon, Romblon nitong hapon ng Linggo, April 15.
Sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng isang motorsiklo na minamaneho ng isang 16-taong gulang na minor sakay ang dalawang lalaki kabilang ang isang 9 na taong gulang na bata ang kahabaan ng National Road sa Barangay Agnipa ng masalpok ng kasalubong na motorsiklo na minamaneho naman ni Delfin Rotoni Macasa, sakay ang isang Bradly Madrid Roy, pawang residente ng Barangay Lanas.
Nagkasalpukan ang dalawa sa may pakurba at palusong na daan sa Barangay Agnipa.
Tumilapon ang mga sakay ng dalawang motorsiklo at agad na isinugod sa ospital dahil sa natamong sugat ngunit ang backride ni Macasa na si Roy ay idineklarang dead on arrival sa ospital.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nakainum ang rider na si Macasa.
Hawak na ng pulisya ang mga motorsiklo ng dalawa samantalang patuloy na nagpapagaling sa ospital ang apat na na iba pang nasangkot sa aksidente.