Biyaheng Maynila at iba pang bahagi ng mainland Luzon, ngayong hapon ng Sabado de Gloria, ang mga bakasyunista na nagbakasyon sa isla ng Banton, Romblon nitong Semana Santa 2018.
Mahigit 200 pasahero ang pumila ngayong araw sa pantalan sa Banton para makasakay sa MV Virgen de Peñafrancia IX ng Starhorse Shipping Lines patungong Lucena City, Quezon.
Ayon sa ilang mga turista, balik normal-operasyon na umano ang kanilang mga opisina bukas kaya kailangan na nilang umuwi ngayong araw, habang ang ilan naman ay biyaheng Norte pa.
Pinili naman ng ilan na bumiyahe ng maaga para makaiwas sa pagdagsa ng mga pasahero ng Starhorse Shipping Lines na mangagaling sa ibang bayan ng Romblon.
Samantala, patuloy ang pagbabantay ng Coast Guard at Banton Municipal Police Station sa pantalan ng Banton para masiguro ang kaligtasan ng mga biyahero ngayong patapos na ang Holy Week.