by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Thursday, 30 June 2016
Sinimulan nang ipamahagi ng Office of the Municipal Agriculturist (OMAg) ang iba’t ibang uri ng binhi ng gulay sa mga magsasakang nasa barangay na sakop ng Romblon, Romblon.
Sinabi ni Arturo M. Gutierrez, municipal agriculturist, na bumili ng binhi ang lokal na pamahalaan ng Romblon upang ipamahagi ng kanilang tanggapan sa mga lehitimong magsasaka na nagtatanim ng gulay.
“Tulong ito para sa ating mga magsasaka upang mabigyan din sila ng ibang pagkakakitaan,” paliwanag ni Gutierrez.
Layunin ng programang ito na hikayatin ang mga mamamayan na magtanim ng iba’t ibang uri ng gulay upang kumita ng malaki dahil sa mataas na demand nito sa pamilihang bayan.
Nais aniya ng OMAg na sariling produkto ng taga-Romblon ang makikitang itinitinda na gulay sa palengke dahil mas mataas ang presyo ng mga inaangkat na gulay bunsod ng pasalin-saling “middleman” at palipat-lipat ng transportasyon nito bago makarating sa Romblon.
“Mataba at angkop ang lupa ng ating lugar kung kaya’t umaasa akong lalago ang tulong pangkabuhayan na ibinibigay namin sa mga farmers lalo na sa mga kabundukang lugar basta’t sila’y masipag lamang magtanim,”dagdag na pahayag ni Gutierrez.
Nilalayon din ng nasabing tanggapan na bumaba ang halaga ng gulay sa pamilihan kapag mismong taga-Romblon ang magtatanim at magpapalago ng produksiyon nito.
Dagdag ni Gutierrez, ilan lamang sa mga kondisyon hinihingi ng lokal na pamahalaan sa mga mabibiyayaan ng libreng binhi na kailangan nila itong itanim, alagaan at palaguin.
Sa panahon ng anihan, bawal itong iluwas sa karatig-bayan o lalawigan at marapat lamang na sa pamilihan ng Romblon ito ibenta upang mga taga-rito ang makinabang sa mga produkto ng gulay.
Ang tulong aniya ay hango mula sa High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Department of Agriculture kung saan naglaan ng P30,000 na pondo ang lokal na pamahalaan para sa programang ito.
Ang mga binhing ipinamimigay ng OMAg sa mga magsasaka ay ang kalabasa, ampalaya, sitaw, talong, kamatis, pipino, patola, okra at pechay.