by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Saturday, 25 June 2016
Isa-isang binisita at kinausap ng mga kawani ng Romblon Municipal Police Station ang mga may-ari ng computer shop o internet cafe na malapit sa mga paaralan upang paalalahanan na bawal pumasok sa kanilang mga establisyemento ang mga estudyante sa oras ng klase.
Ayon kay P/Senior Inspector Sheljohn G. Nuga, chief of police ng Romblon MPS, na regular silang magsasagawa ng inspeksyon sa mga computer shop tuwing araw ng Lunes hanggang Biyernes upang tiyakin na walang mga estudyanteng nagka-cutting class upang maglaro ng computer games o online games.
Kapag kinakitaan ng paglabag ang isang computer shop ay maaaring makansela ang kanilang business permit o tuluyang maipasara alinsunod na rin sa ordinansang ipinaiiral ng lokal na pamahalaan.
Labag din aniya ito sa DepEd Order No. 86 series of 2010, sa ilalim nito ay ipinagbabawal ang pagpunta ng mga estudyante sa computer shops, mall at sinehan sa oras ng klase.