by Dennis Manzo, Philippine Information Agancy | Sunday, 10 April 2016
Ang Gawad Kalasag Award ay ipinagkaloob ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC) Mimaropa sa pamahalaang panlalawigan ng Romblon dahil sa tapat at maayos na paglilingkod ng kasalukuyang gobernador sa kanyang mga nasasakupan.
Ang paggawad ng parangal ay pinangunahan ni Regional Director Eugene G. Cabrera, Office of Civil Defense (OCD)-Mimaropa na ginanap sa Great Eastern Hotel, Lungsod ng Quezon.
Ang nasabing award ay personal na tinanggap kamakailan ni Engr. Antonio P. Sarzona, Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Officer na siyang kumatawan kay Governor Eduardo C. Firmalo.
Ang karangalang ito ay pagkilala sa ipinakitang tatag at kahandaan sa pamamahala ng punong ehekutibo ng lalawigan sa pamagitan ng makataong malasakit kung saan naiwasan ang mga banta ng panganib sa buhay ng tao, pagkasira ng ari-arian at naialayo sa kapahamakan ang mamamayan sa nagdaang mga kalamidad.
Batay sa pamantayan ng parangal na pinamumunuan ni RDRRMC Chairperson Cabrera, naabot ng Romblon provincial government ang Excellence in Disaster Risk Reduction and Management and Humanitarian Assistance level, kung kaya umano nakamit ng lalawigan ang naturang parangal.
Ang Gawad Kalasag ay pinakamataas na pagkilala na iginagawad sa isang tao, grupo, samahan, mga institusyon at LGUs na nakapagsagawa ng natatanging kontribusyon sa disaster risk reduction and management at humanitarian assistance sa bansa. Ang Kalasag ay tumatayo sa Kalamidad at Sakuna Labanan,, sariling Galing ang Kaligtasan.
Ayon kay Engr. Sarzona, hepe ng PDRRMO, ang pagtanggap umano ng karaniwang mamamayan sa mga programa at gawaing patungkol sa kahandaan upang maging ligtas at mailayo sa lahat ng sakuna ay isa ring susi sa tagumpay ng kanilang tanggapan.