Kasalukuyang wala ng kuryente sa buong isla ng Banton, Romblon ngayong gabi ayon kay Mayor Milagros Faderangga.
Sa panayam ng Romblon News Network nitong gabi ng Lunes, sinabi ni Faderangga na nag-abiso naman umano sa kanila ang Romblon Electric Cooperative Inc. na posibleng mawala ang supply ng kuryente sa isla kung sakaling makaranas sa lugar ng malalakas na hangin.
“Madilim na dito, malakas rin ang hangin at ulan,” ayon sa alkalde.
Batay sa pinakahuling taya ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) aabot na sa 280 na pamilya o 1,014 na indibidwal ang inilikas na sa mga low-lying areas na prone sa storm surge, at mga mula sa landslide prone area.
Sinabi pa na alkalde na maaga silang nagsagawa ng preepmtive evacuation para masigurong walang maiiwan sa mga lugar na delikado paglapit ng bagyo.
Nagpapatuloy parin umano hanggang ngayon ang pagdating sa mga evacuation area ng mga lumilikas na pamilya.