Nasawi ang isang 20-anyos na estudyante matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang puno ng niyog sa bahagi ng Tablas Circumferencial Road sa Sitio Cagmaya, Barangay San Roque, Calatrava, Romblon nitong hapon ng Martes, November 17.
Batay sa paunang ulat ng Calatrava Municipal Police Station, naganap ang aksidente dakong alas-2:50 ng hapon habang binabagtas ng biktima at ng angkas nito ang kalsada mula Barangay Balogo patungong Barangay Poblacion sakay ng isang motorsiklo.
Pagdating sa lugar ng insidente, nawalan umano ng kontrol ang driver sa motorsiklo bago bumangga sa puno ng niyog na nasa gilid ng kalsada.
Kapwa isinugod ang driver at angkas sakay ng ambulansya ng Calatrava sa Romblon San Andres Municipal Hospital para sa agarang atensiyong medikal.
Gayunman, idineklara ni attending physician na dead on arrival ang driver dakong alas-3:30 ng hapon. Inilipat naman ang back rider sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan para sa karagdagang gamutan.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, kapwa umano nasa impluwensiya ng alak ang mga nasangkot sa aksidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng Calatrava MPS upang matukoy ang buong pangyayari at iba pang detalye kaugnay ng insidente.


























