Sumailalim sa apat na araw na capability training ang mga magsasaka at mangingisda sa bayan ng Calatrava upang mapahusay ang kanilang kaalaman at kasanayan sa agrikultura at pangisdaan, gayundin ang kanilang kahandaan sa epekto ng climate change.
Nakapaloob sa pagsasanay ang mga talakayan at praktikal na aktibidad na nakatuon sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga kalahok upang mapahusay ang kanilang mga gawaing pangkabuhayan at matugunan ang mga hamon sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Binigyang-pansin din sa programa ang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño at climate change na maaaring makaapekto sa produksyon ng mga magsasaka at mangingisda.
Layunin ng pagsasanay na magkaroon ng mas produktibo at climate-resilient na sektor ng agrikultura at pangisdaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na kaalaman at kasanayan sa mga lokal na manggagawa.
Isinagawa ang programa sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Robert M. Fabella bilang bahagi ng mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang suportahan ang mga sektor na mahalaga sa kabuhayan at ekonomiya ng Calatrava.


























