Muling kinilala ang potensiyal ng produktong gawa sa Romblon matapos masungkit ng Sea Warrior’s Furniture ang Top Seller – Non-Food award sa ikatlong OBRA MIMAROPA Regional Trade Show na ginanap sa Glorietta Activity Center sa Makati City noong Oktubre 22–25, 2026.
Ikalawang sunod na taon nang makuha ng Romblon-based furniture maker ang parangal, na nagpapakita ng pagtangkilik sa mga produktong muwebles na yari sa driftwood sa merkado ng Metro Manila.
Sa kabuuan, nakapagtala ang apat na araw na trade show ng ₱9.3 milyon na cash at booked sales, mas mataas ng 28 porsiyento kumpara noong nakaraang taon. Mahigit 100 lokal na negosyo at brand mula sa limang lalawigan ng MIMAROPA ang lumahok sa naturang aktibidad.
Ipinakita ng mga exhibitors mula Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan ang sari-saring produktong lokal, kabilang ang fruit snacks, mga pagkaing katutubo, produktong gawa sa niyog at mga produktong yari sa kamay. Karamihan sa mga kalahok na negosyo ay naubusan ng paninda bago matapos ang apat na araw na trade show.

Bukod sa Sea Warrior’s Furniture, kinilala rin ang iba pang natatanging exhibitors sa closing ceremony noong Oktubre 25.
Tinanggap ng Magnus Arts and Crafts mula Occidental Mindoro ang Most Creative Product award para sa Marahuyo Coconut Shell Jewelry, habang ang Palawenyo Brewery ng Palawan naman ang nagwagi sa Most Innovative Product para sa Alamid Wild Civet Coffee Porter.
Nakuha naman ng Bahaghari Global Foods Inc. mula Oriental Mindoro ang Top Seller – Food award.
Iginawad din ang Trade Promotion Award sa Department of Tourism MIMAROPA at ang Cultural Identity Award sa Pamahalaang Panlalawigan ng Occidental Mindoro para sa kani-kanilang Bayanihan exhibits.
Nagsilbing pagkakataon ang trade show para sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na maipakilala ang kanilang mga produkto, makabuo ng ugnayang pangnegosyo at makahikayat ng mga bagong mamimili.
Ayon kay Alvin Alivar, may-ari ng Coolture Arts and Crafts Manufacturing mula Palawan, mahalaga ang mga trade fair sa pagpapalawak ng pagkakakilala sa kanilang mga produktong handmade brass at beaded jewelry.
Ibinahagi rin niya na iniugnay siya ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Small Business Corporation (SB Corp.) upang matukoy ang mga posibleng mapagkukunan ng financing na nakatulong sa pagpapalawak ng kaniyang negosyo.
Samantala, sinabi ni Virginia Dela Cruz, may-ari ng VCDC Farm sa Victoria, Oriental Mindoro, na nakatutulong ang mga trade expo upang mas makilala ng mas maraming mamimili ang kanilang 15 produkto, kabilang ang calamansi concentrate, inuming luya at turmeric, at iba't ibang uri ng tsaa.
Nakatulong din umano ang DTI sa pagkuha ng mga processing equipment na nagpabawas sa pag-asa nila sa manu-manong paggawa, gayundin sa pagpapahusay ng product labels upang matugunan ang mga pamantayan at maging handa sa merkado.
Binigyang-diin naman ni DTI MIMAROPA Division Chief Lirio Maalihan na ipinakikita ng mga produktong tampok sa OBRA MIMAROPA ang kultura, identidad at husay sa paggawa ng mga lalawigan sa rehiyon.
Sa closing remarks, nagpasalamat sina DTI MIMAROPA Regional Director Amormio CJS Benter at Assistant Regional Director Rodolfo Mariposque sa mga katuwang mula sa pampubliko at pribadong sektor na tumulong sa pagsasagawa ng trade show.
Nagbigay rin sila ng paunang impormasyon tungkol sa ikaapat na edisyon ng OBRA MIMAROPA na inaasahang gaganapin sa susunod na taon.
Mula nang ilunsad noong 2024, patuloy na lumalawak ang OBRA MIMAROPA bilang plataporma para maiugnay ang mga lokal na negosyante sa mas malawak na merkado sa bansa.


























