Inaasahang mapapataas ang produksyon ng palay sa 12.7 ektaryang sakahan sa mga barangay ng Tugdan at San Roque sa Alcantara, Romblon kasunod ng rehabilitasyon ng kanilang communal irrigation system na pinondohan ng National Irrigation Administration (NIA).
Pormal na itinurn-over ng NIA Romblon noong Nobyembre 9 ang rehabilitated Tugdan Communal Irrigation System sa Tugdan Irrigators Service Association Inc., na binubuo ng 20 magsasaka mula sa dalawang barangay.
Matagal nang itinuring na non-functional ng NIA ang naturang sistema. Gayunman, sa pakikipagtulungan ng Barangay Local Government Unit (BLGU) ng San Roque at ng asosasyon, naaprubahan ang kahilingang kumpunihin at muling paganahin ang pasilidad.
Naglaan ang NIA ng ₱10 milyon para sa rehabilitasyon, kabilang ang pagtatayo ng mga bagong canal lining at iba pang estrukturang magdadala ng tubig mula sa Bahag River sa Barangay San Roque patungo sa mga sakahan.
Ayon kay Engr. Ma. Viola Aiko Matibag, officer-in-charge ng NIA Romblon, dati ay umaasa lamang sa ulan ang mga magsasaka para matubigan ang kanilang mga palayan. Sa pamamagitan ng proyekto, magkakaroon na ng irigasyon ang mga sakahan at inaasahang tataas nang 35 porsiyento ang kanilang ani.
Ibinahagi ni Matibag na mula sa dating 90 kaban ng palay na naaani ng isang magsasaka, umabot na ito sa 120 kaban matapos magkaroon ng suplay ng tubig mula sa irrigation system.
Inaasahan ding makatutulong ang proyekto sa paghahanda ng mga magsasaka sa posibleng epekto ng El Niño dahil hindi na lamang sila aasa sa pag-ulan upang magkaroon ng tubig ang kanilang mga palayan.
Nagpasalamat naman si Jesus Eranes, presidente ng Tugdan Irrigators Service Association Inc., sa NIA at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa pagkakaroon muli ng maaasahang sistema ng patubig sa kanilang lugar.
Ayon kay Eranes, malaking tulong ito sa mga kasapi ng asosasyon dahil dati ay hindi sapat ang tubig na nakararating sa kanilang mga sakahan.
Nangako rin si Barangay San Roque Chairperson Arnel Mazo na makikipagtulungan ang barangay sa mga magsasaka upang mapanatili ang maayos na kondisyon ng irrigation system at matiyak ang patuloy na pakinabang nito sa komunidad.


























