Pansamantalang sususpindihin ng Sunlight Air ang operasyon nito sa rutang Clark (CRK)–Tablas (TBH) simula Nobyembre 10, 2026, dahil sa mataas na gastusin sa operasyon at iba pang dahilan na nakaaapekto sa kanilang serbisyo.
Sa isang abiso, sinabi ng airline na bahagi ito ng patuloy na pagsusuri sa kanilang mga ruta at pagsasaayos ng operasyon. Hindi pa tinukoy kung kailan muling ibabalik ang biyahe sa pagitan ng Clark at Tablas.
Inilunsad ang nasabing ruta noong Agosto 11, 2026, na nagbigay ng karagdagang opsiyon sa paglalakbay papunta at palabas ng Romblon.
Ayon sa Sunlight Air, makatutulong ang pagsuspinde upang higit nilang mapagtuunan ang kasalukuyang mga ruta, suriin ang iba pang posibleng destinasyon, at mapahusay ang kanilang serbisyo.
Sinabi rin ng airline na naabisuhan na ang mga pasaherong direktang maaapektuhan ng pagbabago at tinutulungan ang mga ito kaugnay ng kanilang mga biyahe.
Sa kabila ng pagsuspinde sa rutang Clark–Tablas, tiniyak ng Sunlight Air na ipagpapatuloy nito ang operasyon sa iba pang destinasyon sa Pilipinas.


























