Magsasagawa ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) – MIMAROPA ng public hearing sa pag-update sa minimum wage sa rehiyon sa Nobyembre 26, 2026, sa Prince Aly Hotel, Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.
Inatasan ang mga regional wage board na repasuhin ang minimum wage sa kani-kanilang rehiyon kada tatlong taon, alinsunod sa Republic Act No. 6727 o Wage Rationalization Act. Bahagi ng proseso ang pagdinig upang makuha ang pananaw ng mga manggagawa, employer at iba pang sektor bago magpasya sa posibleng pagbabago sa sahod.
Ayon sa abiso ng RTWPB-MIMAROPA, gaganapin ang pagdinig para sa pribadong sektor mula alas-1:00 hanggang alas-3:30 ng hapon.
Susundan ito ng talakayan para sa mga domestic worker o kasambahay mula alas-3:30 hanggang alas-5:00 ng hapon.
Inaanyayahan ng RTWPB-MIMAROPA ang mga manggagawa, employer at iba pang interesadong sektor na dumalo at magpahayag ng kanilang saloobin upang makatulong sa pagbuo ng angkop na polisiya sa sahod para sa mga manggagawa sa MIMAROPA.


























