Pagbili ng mga patrol vehicle at paglalagay ng solar street lights ang ilan sa mga proyektong pinili ng mga barangay sa San Jose, Romblon gamit ang pondong inilaan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng Socio-Civic Project Fund.
Ayon kay Assistant Secretary Rea Uy-Epistola ng Office of the Executive Secretary, layunin ng programa na mabigyan ang mga barangay ng pagkakataong magpasya kung anong mga proyekto ang higit na kailangan ng kanilang mga komunidad.
“Hinayaan natin, sabi ng ating Pangulong Bongbong Marcos Jr., kung ano ang pangangailangan ng ating barangay, sila ang magdedesisyon kung saan nila gagamitin ‘yung P100,000,” ani Epistola.
Sa ilalim ng programa, naglaan ang administrasyon ng tig-₱200,000 para sa 42,010 barangay sa buong bansa. Mula sa halagang ito, ₱100,000 ang nakalaan para sa mga proyektong pipiliin ng barangay batay sa kanilang lokal na pangangailangan.
Sa San Jose, kabilang sa mga napiling proyekto ang pagbili ng mga patrol vehicle na maaaring makatulong sa mga gawaing pangkomunidad at pagresponde sa mga insidente, gayundin ang paglalagay ng solar street lights upang makatulong sa pagpapailaw sa mga pampublikong lugar at kalsada.
Ang natitirang ₱100,000 ay inilaan naman sa ilalim ng finisher fund para sa mga estudyanteng nasa ikaapat na taon ng kolehiyo na nangangailangan ng karagdagang suportang pinansyal upang makatapos. Sa San Jose, limang estudyante ang binanggit ni Epistola na tumanggap ng tig-₱20,000 bilang presidential scholars.
Nagpasalamat naman si Liga ng mga Barangay President Kapitan Antonio Sombilon Jr. sa pondong ipinagkaloob sa mga barangay, na aniya ay malaking tulong dahil limitado ang kanilang badyet.
“First time namin na binigyan po kami ng P200,000. Malaking tulong po ito sa amin dahil kapus po ang aming budget sa limang barangay ng San Jose,” ani Sombilon.
Ayon kay Epistola, mahalagang tiyakin ng mga lokal na opisyal na maayos na naipatutupad ang mga programa at nagagamit ang pondo ayon sa layunin nito.
Sa pamamagitan ng programa, inaasahang matutugunan ng mga barangay ang ilan sa kanilang mga pangunahing pangangailangan sa pamamagitan ng mga proyektong sila mismo ang pumili.

























