Sugatan ang dalawang lalaki matapos umanong magtagaan habang nag-iinuman sa Sitio Upper, Barangay Matutuna, San Andres, Romblon, bandang alas-8:30 ng gabi noong Sabado, Oktubre 24.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng San Andres Municipal Police Station (MPS), nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawang residente na edad 43 at 55 habang magkasamang nag-iinuman.
Sa gitna ng pagtatalo, kumuha umano ng bolo ang 43-anyos na lalaki at tinaga ang 55-anyos. Kumuha rin umano ng isa pang bolo ang nakatatandang lalaki upang ipagtanggol ang sarili.
Nagtamo ng mga sugat sa kanang braso at pulsuhan ang 55-anyos na lalaki at dinala sa San Andres Municipal Hospital para sa agarang lunas. Samantala, nagtamo rin ng sugat sa kanang bahagi ng ulo ang 43-anyos na lalaki at isinugod sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan para sa pagpapagamot.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng San Andres MPS matapos makatanggap ng ulat tungkol sa insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari at ang nararapat na legal na aksyon laban sa mga sangkot.
























