Gumagawa na ng mga konkretong hakbang ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology – Romblon District Jail upang harapin ang posibleng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at masiguro na hindi maiipit ang pondo para sa pagkain ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL).
Ayon kay Jail Senior Inspector Emily Mallen, Acting District Jail Warden ng Romblon District Jail, malaki ang magiging banta ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa nakatalagang subsistence allowance ng bawat PDL sa loob ng pasilidad. Inaasahan kasing magkakaroon ng epekto ang El Niño sa suplay at halaga ng mga pang-araw-araw na pangkain sa pamilihan.
Upang solusyunan ito nang maaga, isa sa mga pangunahing diskarte ng BJMP Romblon ay ang direktang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na magsasaka at mga re-seller ng produktong agrikultural sa mismong lalawigan.
Sa pamamagitan nito, makakabili ang pasilidad ng mas murang suplay ng mga sariwang gulay, isda, at karne nang walang karagdagang tubo mula sa mga malalaking middleman.
Bukod sa mga produktong bukid at dagat, nakikipagpulong na rin ang pamunuan ng jail facility sa kanilang mga suking lokal na merchandiser at supplier ng mga dry goods at pangunahing paninda.
Layunin ng nasabing negosasyon na makakuha ng mas mababang presyo o special discount para sa mga suplay na gagamitin sa pang-araw-araw na pangkain ng humigit-kumulang 121 PDL na kasalukuyang nakatira sa pasilidad.


























